Huwebes, Hulyo 5, 2012

bangungot

     Tahimik ang gabi. Tanging ang tik-tak ng orasan at kalatak ng keyboard ng laptop ang maririnig. Nakabibinging katahimikan ang tanging kabayaran sa iyong kasipagan. Masaya ang gabi, oo sana, kung alam mong natutulog ka na sa iyong kama at nanaginip ng masasayang bagay. Katamaran ang tawag doon. Ngunit isipin mong sa mga oras na itong gising na gising ka ay dinaranas mo ang isa sa pinakamasamang bangungot na hinding hindi mo puwedeng takasan. BOO! Nakatitig sa'yo ang MS Word. Wala ka nang kawala. Buhay mo ang nakasalalay.

    Nakikipagbuno ka sa MS Word. Tinititigan ka nya habang tinititigan mo siya. Kung hindi ka matibay, lalamunin niya ang iyong katinuan. Tumaas na ng higit 50 ang grado ng mga mata mo. Nahihilo ka na. Pamaya-maya ay isang puwersa ang humila sayo. Inilayo ka nito sa matinding pakikipagbunong naggaganap sa kalaliman ng gabi. Mapanghalina ito ngunit mapanlinlang rin at nakalalason. Ninanakaw nito ang panahon nang hindi namamalayan ng sinuman. Tawagin natin ang puwersang ito na facebook.

     BOO!

     Lumipas ang gabi.

     Lumipas ang gabi.

     Lumipas ang gabi.

     Isang tawa ang pumailanlang sa paligid. Tawa ng kadiliman. Tawa ng kalituhan. Tawa ng katamaran. Tawa ng kaantukan. Tawa. Tawa.

      Nagpatuloy ka, sa kabila ng paglamon  sa'yo ng kalaliman ng gabi, ng  paghahanlina ng ilang puwersang hindi mo namamalayan, ng pakikipagbuno sa sarili, at ng tawang kumukulta sa isip mong unti-unting nawawala ang katinuan. Napagpasiyahan  mong iligtas na muna ang iyong bait, at tumakas sa bangungot ng pag-uumagang iyon.

     Masaya kang natulog, upang malaman na ang pagtulog na iyon ay panandalian lamang. Paggising mo, nalaman mong

     BOO!

     Isang totoong bangungot ang bumungad sa'yo. Good morning escapist. Hindi na-save nang maayos ang file mo. Burado pa ang files mo. Sinapian ng masamang espiritu ang circuits ng laptop mo, o ang isip mo na ang sinapian ng masamang espiritu. Napatulala ka. Panandaliang naging under coma ang utak mo. Kailangan mo nga lang buhayin ito at kung hindi, mamatay ka sa bangungot. Cardiac arrest. Kung tatakas ka, siguradong magkaka - atrophy ka lang.

  Tawa ng malakas.

 #thesis

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento