Sabado, Nobyembre 21, 2015

Ang Basag na Banga

Umaga na, panahon ng muling
paghakbang sa kawalan,
Oras na naman ng pag-apuhap ng
kahit kaunting liwanag
Sa kadiliman ng paligid na
sumapi na rin sa’king kalooban
Ang makinig sa sariling
panaghoy  ang tangi 
kong sandata...

laksa-laksang tinig
                                                                                                                                                        ang umuusig sa aking halaga
“Wag na!” bulong nila
Muli’t muli ipinupukol
                                                                                                                                                                            Sa akin ang kapintasan
Tila walang halaga
Ang eksistensya ng
mahinang gaya ko

  Umaga na, oras na
para gumising sa  
katotohanan
kung sino ako
malayo sa gusto ko
malayo sa perpekto
palaging kulang
mahina, mahina

Kapalaran na yatang
Iginuhit panghabambuhay
Itong  kahinaang taglay
Itong pagkahabag
Itong pagkabasag
sa tunay na ako
 dahil ito ako—
bangang basag

Oo, isa akong basag na banga
Kaya’t bakit pa ba pinaglalagakan
ng tubig na inunuluha ko rin sa huli
sa mga siwang ng basag kong katawan
sa panghihinang hindi ko kaya ang dapat
sa pagkahabag sa sariling palaging kulang
basag.
                                                                                      
Ang Litanya ng Banga


                     
                                                         
                                                                                                                                                                             

Saglit lang. Mahaba-habang kuwentuhan ito. Maiintindihan ko, at mapatatawad kita, kung iiwan mo ang pakikiusisa sa buhay kong hindi naman sa iyo at ipagpapatuloy ang pagsulat sa kuwento ng iyong buhay sa mga oras na ito. Ngunit kung hahayaan mong ipahiram ko sa iyo ang mga tsinelas ng aking karanasan na nagdala sa akin sa kinaroroonan ko ngayon upang mas makilala mo pa ako, pinasasalamatan kita nang buong puso. Halika. Hayaan mong ang mga salitang nagmantsa sa papel na ito ang maging tsinelas mo sa paglalakabay sa naging landas ng aking nakaraan.

Hindi ko maisip kung paano sisimulan ang kuwento ng buhay ko. Isang kuwentong hinabi sa loob ng dalawampu’t apat na taon— gaano na nga ba kalayo ang pinanggalingan at narating ko ngayon? Malayo na. Marami na rin ang nangyari sa akin—bilang isang tao at bilang isang guro. Siguro ay hindi kayang saklawin ng mga salita ang kabuuan ng buhay ko pero may isang bagay ang kayang sumaklaw sa kung sino ako : ang kuwento ng  isang basag na banga.

Kung alam mo ang kuwentong “The Cracked Pot” mula sa bansang India, maiintindihan mo ako. Kung hindi naman, sige daraanan din natin ang kuwentong iyon sa pagtalunton sa kuwento ng aking buhay.

Mga Alaala ng Kamusmusan

Siguro masasabi kong lumaki akong pilit na binubuo ang pira-pirasong bahagi ng kumpiyansa at  tibay ng loob bilang isang anak, kapatid, tao, at sarili. Lahat naman siguro ay humantong sa ganoong pagkakataon sa buhay—kaya nga tayo mga tao hindi ba? Para sa marami sa atin, pilit nating binubuo ang nagpira-pirasong bahagi ng ating pagkatao dahil sa isa, ilan o maraming karanasan.  Para sa akin, bilang isang bata, natutunan kong bumagon araw-araw na basag ang kalooban at matulog gabi-gabi na tinatanggap ang mga kapintasan ko bilang ang aking pagkatao.  Hindi lumilipas ang isang araw noon na hindi ako makaririnig ng “mahina ka”, “hindi mo iyan kaya”, “wala kang kuwenta”, “pangit ka”, “tanga”, “bobo”, “suwail”, at iba pang masasakit na salita.  Pinaniwalaan ko ang lahat nang iyon na para bang wala nang iba pang maaaring katotohanan. Wala pa akong sariling isip noon. Hindi ko rin masisisi ang sarili ko.

Mapagmahal ang aking ina. Totoo iyon. Naging mabuti siya sa akin. Palagi siyang nasa tabi ko, ibinibigay ang mga pangangailangan ko. Kami ng aking kapatid ang palaging inuuna niya. Gayunpaman, sa mga panahong iyon ay mas tumatak sa akin ang mga panunuligsa at panghahamak ng kanyang mga salita. Dahil sa dalas at sakit ng mga salitang nabibitawan niya sa akin noon ay ang mga ito na ang aking naging realidad. Bilang isang musmos, kung anuman ang sabihin ng ina ko noon, iyon lamang ang totoo.  Ang mga reaksyon niya sa mga ginagawa ko noon ang tanging sukatan ng tama at mali, maganda at pangit, mabuti at masama. Dahil dadalawa lang din kami noon habang lumalaki ako, uminog ang maliit kong mundo sa kung ano ang sasabihin ng aking ina tungkol sa akin. Pinaniwalaan kong lahat iyon mula nang nagkamalay ako hanggang sa ika-dalawampu’t isang taong gulang ko. Noong dalawampu’t dalawang taong gulang ako na lamang natutong mangatuwiran at magtanggol sa sarili nang buo sa aking kalooban na mali siya at kasinungalingan ang lahat ng ibinintang niyang “ako” habang lumalaki ako.

Kung may isang alaalang magdadala ng katatagan at pagiging buo sa basag kong kamusmusan, iyon ay ang mga alaala kasama ang aking ama. Ang aking ama ay isang mandaragat o seaman. Umuuwi siya isang beses kada taon at nagbabakasyon sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ngunit kahit sa napakaiksing panahong iyon, ang mga karanasan ko kasama ang aking ama ang nagsilbing hugutan ng aking lakas at tuntungan ng muling pagkabuo ko. Ang pag-uwi niya ay nangangahulugan ng mga kapana-panabik na panahon ng pagpunta sa Sunday School . Palagi niya akong isinasamang magsimba tuwing linggo at kung may event sa simbahan kung saan ako puwedeng sumali, dinadala niya ako roon. Kahit malayo at mahirap ang biyahe, ikinalibang ko iyong nang husto sapagkat kasama ko ang tatay kong halos hindi ko naman nakakasama. Kahit papaano, nagkakaroon ng ibang mundo ang kamusmusan ko – ng mundong malayo sa apat na sulok ng aming bahay kung saan nakataga na yata ang pagkatao kong pulos kapintasan at kahinaan.

Ang maliligayang bahagi ng aking kamusmusan ay palaging kaugnay ng pagpunta namin sa simbahan. Hindi ko namamalayan ngunit sa murang edad ay tinataniman na pala ako ng aking ama ng mga punla ng pag-asang hindi kailanman manggagaling, magagawa, o maibibigay ng sinumang tao sa mundong ito. Iyon pala ang pamamaraan niya ng pagbabantay at pagprotekta sa akin—kahit papaano.  Dahil hindi niya ako kayang bantayan o ipagtanggol palagi, inilapit niya ako sa simbahan. Dahil hindi niya kaya, ipinaubaya niya ako sa Diyos. Binigyan niya ako ng lugar na tatakbuhan kung sakaling hindi ko na kaya ang mga bagyo ng buhay. Isang punla ng pag-asang hindi kayang ibigay ng sinumang tao sa mundo ang pinilit niyang itanim sa akin sa maiikling panahong inilalagi niya sa amin para magbakasyon mula sa trabaho.

Pag-asa. Sa tuwing bumabagyong muli noon, may napagtataguan ako—may tinatakbuhan ako.

Sa Gitna ng Bagyo

Parang palaging binabagyo ang bahay. Sana ay literal lang ang ibig sabihin nito ngunit hindi; figurativ at mas matindi ang bagyong tinutukoy ko. Magulo ang bahay. Sa loob ng tinatawag kong tahanan ay apat na indibidwal—madalas ay tatlo na lamang dahil palaging umaalis ang haligi ng tahanan—ang nasanay nang mag-away-away at magsakitan. Inakala kong bahagi ang madalas na pagsasakitang iyon ng tinatawag na pagmamahal. Inakala kong normal iyon. May ilang panahon na sisikat ang araw ngunit hindi pa man ako nakababangon sa mga kalat at gumuhong bahagi ng kabahayan ay babagyo na naman. Away dito at doon. Sigawan doon at dito. Maya-maya, o puwedeng ipagpabukas o ipagpa-isang linggo o ipagpa-isang buwan, basta’t hindi normal kung walang sigawan, angilan, at away. Maisasaayos ko na sana ang kalooban ko ay isang bagyo o ipo-ipo na naman ang aatake dito. Kaya’t ang pagsalo sa katakot-takot na pangmamaliit at pang-alipusta ay normal naman na pang-araw-araw na bahagi ng aking buhay. Bilang bata, ang isip ko ay parang isang epasyong sumasalo ng maraming salita, imahe at alaala ng naghahalo-halo at nagpapaikot-ikot na hindi ko maunawaan; hindi rin kayang unawain ng damdamin ko ang unos ng aking kalooban.

Totoo ngang nahahati sa dalawa ang aking isip noon bukod pa sa right at left hemisphere. Ang kabila kasi ay nagsasabing ikinagagalit ko ang kakulangan ng maturidad ng aking mga magulang at dahil doon ay akong ang nagdurusa sa kanilang magulong samahan. Ang sinasabi naman ng isa pang panig ng aking isip ay hindi ko sila masisisi dahil sa pagkadismaya at iba pang bagay na marahil ay hindi nila alam.

Siguro para mas maintindihan mo, subukan mong pagsamahin ang USA at USSR sa iisang bahay at gawin mo silang mag-asawa na walang ibang opsiyon kung hindi ang magsama. Ganoon ang samahan ng mga magulang ko noon. Mabuti na lamang din at hindi parang USA at North Korea ang relasyon nila kung hindi saang mas masukal na kangkungan ko kaya ibabangon ang sarili ko? Ngunit kahit ganoon lang, bilang bata ay hinihintay ko ang ‘grad finale’ ng kanilang relasyon—kailan kaya sila maghihiwalay? Masakit siyang isipin, pero siguro iyon ang naging kanlungan ko sa paghahangad na isang araw matapos na lamang sana lahat ng kaguluhang iyon. Basta wala nang kaguluhan, iyon na lamang ang ginusto ko.

Hindi rin nila siguro malaman ang gagawin o kung paano tatanggapin ang katotohanang may problema ang kapatid ko. Special child ang kapatid ko. Tatlong taon siya nang ma-diagnose na “mildly delayed”. Ngunit hindi ‘mild’ ang naging epekto noon sa aking mga magulang. Ito ang nagdulot ng malaking pagkadismaya at takot sa kanila na nagbunga ng mas lalo pang paglayo nila sa isa’t isa. Doon din nanggagaling ang mga sama ng loob ng aking ina na hindi niya malaman kung paano isasaayos o ilalabas kaya’t sa akin niya naibubunton ang mga ito. Pagkabahala, takot at pagkadismaya— pakiramdam niya ay nag-iisa siya (at kung iisipin, mag-isa nga niya talagang pinasan ang mga hamon, sakit at kalungkutan ng isang inang may supling na may mga kakaibang pangangailangan). Wala siyang mapagsabihan kung hindi ako. Wala rin siyang mapaglabasan ng sama ng loob kung hindi ako. Hindi niya alam ang gagawin. Hindi nila alam ang gagawin. Hindi ko rin alam ang gagawin noon.

Ang naging epekto ay lumaki akong isang batang galit. Kahit mahal ko ang nanay ko, galit ako sa kanya. Kahit mahal ko ang tatay ko, sa kalooban ko ay isang pag-aalinlangan at pag-uusig ang nangyayari kung isang nga ba siyang mabuting asawa at ama sa amin. At ang kapatid ko, hindi ko masigurado kung mahal ko ba siya o kung karapat-dapat nga ba siyang mahalin—lalo na’t tila dahilan siya ng pagkadismaya ng mga magulang ko. Kahit anong gawin kong pagpapakabait o pagtulong, ako ang suwail, walang kuwenta, bobo o pangit na bata. Kahit anong gawin, palaging kulang. Basag pa rin. Hindi ko alam noon.

Mga Bagyo at Mga Laban

Habang lumalaki ako ay nagkaroon ako ng sariling isip. Nagkaroon ako ng sariling mga paa, ng sariling mga buto at pundasyon.  Unti-unti akong nagkaroon ng tapang.  Habang ginugupo ako ng mga sugat, lalo akong nagpupumilit makatayo. Unti-unti rin akong tumatapang.

Natutunan kong magsuri mula sa malayo—na suriin ang mga kilos, ugali at salita ng aking mga magulang at subuking salain ang mga iyon. Bagaman at paunti-unti, natutunan kong magbuo ng sariling pag-unawa sa tama at mali – ang mali ay iyong nakasisira sa pagtingin ng isang indibidwal sa sarili at sa mga relasyon at ang tama ay anumang bagay o kilos na nagdadala ng paghihilom. Unti-unti ko ring binuo ang sariling pamantayan ng dapat at hindi dapat. Ang lahat ng realisasyon, kraytirya at pamantayan kong iyon ay nagmula sa mga karanasang humubog sa pagkatao ko habang ako’y nagkakaisip. Ang mga sakit na iyon ang nagdulot sa akin upang magkaroon ng prinsipyo higit sa lahat; na tumayo sa katotohanan at tama; na suriin ang tama at mali at dapat at hindi dapat at ipunto ang mga ito; ang magsikap; ang may patunayan; ang magtiyaga at hindi sumuko kahit na nadarapa o kahit na alam na alam mo kung gaano ka kabasag dahil kailangan mong patunayan sa sarili na mali ang lahat ng inukit na pagkatao at “kapalaran” sa iyo habang lumalaki ka; ang maging matapang dahil wala ka namang ibang pagpipilian; ang mangarap ng mataas dahil ayaw mong manatili sa lahat ng pangmamaliit, alinlangan at takot; ang maging matibay dahil alam mong kahit papaano may pag-asang mailigtas ang papaguho niyo nang pamilya kung may isang tatayo; ang matutong protektahan ang sarili sa maraming paraan para kahit papaano ay may maiiwang nakatayo kapag bumigay na ang lahat; ang humukay ng lalim sa kalooban mo dahil iyon lamang ang tanggulan at hugutan ng lakas, tapang, at kaunawaan;  ang kalimutan ang kahabagan sa sarili para sa ikabubuti ng buong pamilya; ang maging mas maingat sa lahat ng desisyon dahil hindi ka maaaring bumagsak—may ipinaglalaban ka, may responsibilidad ka, panganay ka.  

Naging mahirap ang pagkatuto, ang bawat paghakbang pausad. Naging masakit ang mga karanasang nagturo sa akin. Gayunpaman ay araw-araw kong ipinangangako sa sariling hindi ko na uulitin ang mga kamaliang nasaksihan at naranasan ko sa aming pamilya bagama’t tila palaisipang bumabagabag sa akin kung “papaano nga ba, papaano ko hindi ititigil ang mga sumpang dumaloy sa aking pagkatao mula pagkabata hanggang paglaki?” Walang kasiguraduhan. Ang sabi, kung ano ang mga karanasan mo sa pamilya mo ay uulitin mo lang din sa mga taong makakasalamuha mo lalo na sa magiging pamilya mo. Ilang tao na nga ba ang nangakong hindi na nila uulitin pa ang mga kamalian ng kanilang kinalakhang pamilya sa kanilang sariling pamilya ang nagpaulit-ulit lang din naman ng siklo ng naranasang sakita sa naging asawa o mga anak? Halos lahat. Ayaw kong mapabilang sa halos lahat ng iyon ngunit ang realidad ay kung ano ang naranasan mo sa pamilya mo bilang bata ay malamang magiging ganoon ka na rin. Masakit isipin na iyon na kaya ang magiging hatol sa aking buhay? Kahit alam kong malaki ang tsansa kong maging tagapagpasa lamang ng mga kamalian at sakit na naranasan ko habang ako’y lumalaki, ayaw ko itong tanggapin. Araw-araw kong ipinaaalala iyon sa aking sarili. Hindi maaari. Gagawin ko ang lahat matapos lamang ang madilim na kuwento ng aming pamilya. Hindi ako makapapapayag na tumulay pa iyon hanggang sa susunod na henerasyon ng aming lahi. Hindi maaaaring sa aking pagtanda ay magtatapos ang lahat na tatanggapin ko na lamang ang mga masasakit na salitang kinalakhan ko bilang isang inosente at walang kalaban-labang musmos. Hindi maaari. Hindi ko maaaaring isuko ang kinabukasan ko, ang kinabuksan naming lahat, ng aking magiging pamilya, ng magiging mga anak ko, ng susunond na henerasyon ng aming lahi—lahat dahil lamang sa iisang madilim na nakaraan?

Natagpuan ko ang sarili sa nag-aagaw na liwanag at dilim. Kahit papaano ay nakinita ko ang liwanag sa pagkakaroon ng sariling kaunawaan at sariling mga pagpapasiyang lumalalim sa bawat pagdaan ng panahon. Ngunit nasa kadiliman pa rin ako, hindi alam kung paaano kakawala, kung papaano aalpas sa paikot-ikot na landas ng pagpapapabalik-balik sa kadiliman dahil… ako mismo ay may dilim. Ang dilim sa aking paligid ay sumapi na sa aking kalooban—malalim nang nakaugat at nakakapit sa aking kaluluwa. Paano?

Sa kabila ng tumitibay na laban sa aking kalooban noon, patuloy pa rin ang pagsalakay ng aking mga alinlangan at takot. Isang multong palaging dumadalaw ang salitang “paano?” sapagkat ang naratibo ko ay ang naratibo ng kabiguan at kabasagan. Ito ay ang naratibo ng isang basag na banga. Lito. Palaging kulang. Basag. Ang tinig ng kawalan, palagi itong bumubulong-bulong noon: makakawala ka ba diyan?

Ang Naratibo ng Basag na Banga

Sa isang malayong lugar sa India ay may sikat na kuwentong tungkol sa isang basag na banga.  Noong unang panahon ay isang taga-igib ng tubig sa India ang nagmamay-ari ng dalawang banga. Ang isa ay perpekto—walang basag o kahit anumang bitak—habang ang isa naman ay may basag na dahilan kung bakit tumatagas ang tubig na dala niya. Sa bawat pagbagtas nila sa kanilang landas, ang napapansin ng basag na banga ay ang pagtagas ng tubig mula sa kanyang katawan habang ang kasama niyang banga ay perpektong naihahatid ang bawat tubig sa kanilang patututunguhan. Palagi itong puno at palagi nitong napupuno ang mga lalagyan ng tubig. Sa kabilang banda, kahit ano pa ang pagpupumilit ng basag na banga ay wala siyang magawa sa basag sa kanyang katawan. Tumatagas pa rin ang tubig kanyang gilid. Kalahati lang ng tubig ang nailalagay niya sa mga sisidlan ng tubig. Palaging kulang dahil basag siya.
Dinamdam iyon nang labis ng basag na banga. Sa panlulumo sa sarili ay wala na lamang siyang ginawa kung hindi umiyak. Kahit ano ang gawin niya ay tumatagas pa rin ang tubig na dala niya, at kulang pa rin ang lahat ng pagpupumilit niya. Pagkahabag sa sarili, hiya at panliliit ang naramdaman niya. Hindi rin niya naiwasang magtanong kung bakit kaya hindi niya magawang maging katulad ng perpektong banga—hindi nito kailangang pagdaanan ang kahihiyang dinaranas niya.
Tila ayaw na lamang tumuloy ng basag na banga sa araw-araw nilang pag-iigib at paglalakbay. Ngunit may magagawa ba siya? Kung papipiliin lamang ang basag na banga, nais na lamang sana niyang tumakbo papalayo at tumakas sa kahihiyang dulot ng basag as kanyang katawan.
Kung magagawa nga lang sana niya.
Dahil araw-araw pa rin siyang binubuhat at pinaglalakagakan ng tubig ng taga-igib na nagmamay-ari sa kanya ay wala siyang magawa kung hindi tiiisin ang pagkahabag at minsa’y pagkamuhi sa sarili sa tuwing nakikita niya ang bawat pagtagas ng tubig mula sa kanyang katawan, na naging taguri na rin sa kanya ng mga taong nakapaligid—ang basag na banga.
Siya ang basag na banga at sa bawat umagang paglalakbay niya kasama ang perpektong banga at ang taga-igib na nagmamay-ari sa kanya ay palaisipan kung bakit siya pa rin ang isa sa pinipili nito upang maghatid ng tubig sa kabilang ibayo…
Pagsuko

Sa bawat labanan ng buhay ay palaging isang napakahalagang aral ang iniuuwi ng mga nakipagbuno dito. Ang pinakaunang maiisip mong matututunan sa isang laban ay ang mga litanyang, “magpakatatag ka at huwag kang susuko… ipanalo mo ang laban!” Nugnit minsan sa hindi inaasahang pagkakataon, ang matututunan ng nakipagbuno sa laban ay ang magpakumbaba at iwan na lamang ang laban para iligtas ang sarili. Sa aking sariling personal na laban bilang bata na siyang masasabi kong humubog sa bawat aspekto ng aking pagkatao, ang ikalawang pagkatuto ang nagbago ng lahat para sa akin.

Isang napakahalagang aral ang natutunan ko noon—ang pagsuko. Maaaring isa nga itong marka ng kaduwagan at kahinaan, ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon. Sadyang may mga pagkakataong kailangan mong sumuko at maging ang pagsuko ay nangangailangan ng tapang. Oo, uulitin ko muli, napakahalaga ng pagsuko upang magwagi sa isang labanang alam mong hindi mo naman kayang maipanalo sa sarili mo.

Kailan pa nga ba nagsimulang kamuhian ng tao ang salitang “hindi ko kaya”? Kailan pa nga ba itinuring ng tao ang isang aktong normal na bahagi lamang ng kalikasan at buhay—ang pagsuko—bilang  hindi katanggap-tanggap at nakaririmarim? Nangyari iyon noong inakala niya na siya ang nagtataglay ng lahat ng puwersa sa mundo, ng lahat ng kapangyarihan sa sansinukuban. Nangyari ang lahat ng iyon noong naniwala ang tao na siya ang diyos ng kanyang sarili at ng buong daigdig. Gayunpaman, nagkamali ang tao doon dahil kahit kailan, sa kasaysayan man o sa sari-sariling buhay ng tao, ay masasaksihan na mayroon talagang mga puwersang higit na mas makapangyarihan kaysa sa tao. Hindi kailangang sanggahin o labanan ang mga puwersang ito; kailangan niya itong tanggapin. Kailangan magpasakop ng tao dito. Kailangang sumuko ng tao sa mga puwersang nakahihigit sa kanya dahil iyon ang tamang gawin.

Iyon ang natutunan kong nagbago ng lahat para sa akin. Natutunan kong sumuko sa katotohanang mahina ako at may mga kapintasan ako. Hindi, hindi sa natutunan kong tanggapin bilang katotohanan ang mga kahinaan at kapintasan ko at isapamuhay na lamang ito—hindi sa ganoon. Natutunan kong patawarin ang sarili ko sa lahat ng mga bagay na hindi ako, sa lahat ng mga bagay na hindi ko magawa, at sa lahat ng mga bagay na ikinamuhi ko sa sarili ko sa mahabang panahon. Higit sa lahat, natutunan kong sumuko sa katotohanang ang lahat ay mahina at ang lahat ay may kapintasan. Lahat ay may kargang sakit na maging sila ay hindi malaman kung ano ang gagawin, katulad ng aking nanay at tatay. Marahil ay nagawa nila ang mga bagay na nakasakit sa akin hindi dahil gusto nila iyon o pinangarap nilang masaktan ako nang ganoon—hindi nila sinasadya. At dahil doon, natutunan ko rin silang patawarin nang paunti-unti at paulit-ulit-ulit-ulit… Lumaya ako sa pagpapatawad.

Hindi ko magagawa ang pagtanggap sa lahat ng mga kahinaang iyon—na hindi nangangahulugang tinatanggap ko ang mga kamalian at pagsasakitan bilang katanggap-tanggap at normal na daloy ng buhay—at ang pagpapatawad sa lahat ng kahinaan at kakulangan kung hindi ako nagpasakop sa “Pinakamakapangyarihang Puwersa sa daigidig”. O, mas maiging sabihin na kung hindi ako sinakop na “isang Puwersang higit na makapangyarihan sa alinmang puwersang sa mundong ito.”

Isa pa rin akong bata noon. At bilang isang bata, basag ako sa loob. Marahil ay alam ko ang tamang gawin ngunit hindi ko alam kung papaano gagawin. Sa wakas ay naubusan din ako ng lakas. Kakaibang pagod sa kalooban na lamang ang naramdaman ko na nagsasabing wala naman talaga akong pag-asa kung sasarilinin kong lahat ito. Noon ko naramdaman na baka nga oras na para subukin kong lumapit sa Diyos na dati-rati’y parang kuwentong kababalaghang ikinukuwento lamang sa akin ng aking ama. Siguro ay oras na upang tumawag sa Diyos na sinasabi nilang tunay at buhay. Siguro ay wala nang mawawala, at wala na rin naman akong pagpipilian pa, kung tatawag ako kay Kristong “mito lang naman kung itinuring ng marami”. Sinimulan kong umiyak na umiyak sa pananalangin at umasang katulad ng palaging sinasabi ng tatay ko at ng simbahan ay buhay nga ang Diyos.

Noong gabing iyon ay napatunayan kong buhay at tunay nga “ang Pinakamakapangyarihang Puwersa sa Daigdig”. Iyon ang pinakamahalagang gabi sa aking buhay  na nalaman kong naririnig ng Diyos ang bawat panalangin at sumasagot Siya. Nang gabing iyon nagsimula ang bagong kuwento ng basag na banga, at ang pagbuo ng panibagong kuwento ng isang pamilyang binulag ng dilim sa mahabang panahon.

Isang kuwento ng paghihilom ang nagsimula.


Ang Pagtubos sa Naratibo ng Basag na Banga


“I have love you with an everlasting love; Therefore I have drawn you with lovingkindness. Again I will build you and you will be rebuilt, O virgin of Israel! Again you will take up your tambourines, And go forth to the dances of the merrymakers.”  (Jeremiah 31:3)


Sa bawat pag-iyak at pagkahabag sa sarili ng basag na banga ay sa wakas, hindi na napigil pa ng taga-igib na mahabag din dito.

“Matagal na kitang pinanonood at naisip kong baka mas makatulong sa iyo kung pabababayaan lamang kita dahil hindi ka naman sa akin nagsasabi. Ngunit hindi ko na matiis ang nakikitang kalalagayan mo. Bakit? Bakit labis ang pagkahabag at minsan ay pagkamuhi mo sa sarili?”, ang tanong ng taga-igib sa basag na banga.

“Pakiramdam ko po ay wala akong silbi, aking amo. Hindi ako katulad ng ibang banga na maayos. Nadadala ang lahat ng tubig na sinalok niyo sa kanila at napupuno ang mga sisidlan sa kabilang ibayo. Habang ako, palaging kalahati lamang ang nadadala doon kahit ano pa ang gawin kong pagpupumilit. May depekto po ako. Labis pong nakalulungkot ang kahinaan ko at ramdam na ramdam ko po ito sa araw-araw nating paglalakbay. Bakit hindi ako katulad ng ibang banga—walang basag at nadadala ang lahat ng tubig na isinalok niyo sa kanila sa kabilang ibayo? Bakit sila ay madaling nagagawa ang kanilang trabaho nang maayos? Bakit ako ay hindi gaya nila? Sadyang hindi ko na po kayang tiisin ang mga mapanghusgang titig, itsura ng pagkadismaya, komento, at panghuhusga ng mga taong nakakikita ng aking sitwasyon. Sadyang hindi ko na kaya ang mga nakikita ko. Sadyang isa akong kahihiyan! Ayaw ko na! Nais ko na lamang sanang iwan niyo ako sa bodega sa may kuwadro ng mga kabayo at gawin ako inuman ng mga hayop doon upang hindi na makita ng kahit sinuman ang kahihiyan ko. Tama na po sana… Ayaw ko na!...”, at noon ay muling umiyak ang basag na banga.

Noong umagang iyon, sa kanilang muling pag-iigib ng tubig ay kinausap ng taga-igib ang kanyang basag na banga. Ipinakita nito ang linya ng magagandang bulaklak sa ibaba ng basag na banga.

“Nakikita mo ba ang mga bulaklak dito sa kaliwang bahagi ng ating daaanan? Maganda hindi ba?  Itinanim ko ang mga bulaklak na iyan diyan dahil alam kong tutubo sila diyan… dahil alam kong madidiligan mo sila araw-araw sa pagdaan natin dito dahil sa basag sa iyong katawan,” nakangiting sabi ng taga-igib sa kanyang basag na banga.

“Pinadadali mo ang pagtubo ng magagandang bulaklak na iyan araw-araw dahil sa pagtagas ng tubig mula sa iyo kaya’t gumanda ang daanan na ito. Tingnan mo ang isang bahagi ng ating daanan. Walang bulaklak hindi ba? Kung katulad ka ng ibang banga na perpekto at walang tagas, hindi tutubo ang magagandang bulaklak na nagpapasaya sa akin ngayon tuwing dumaraan tayo sa landas na ito. Dahil diyan ay palaging kong napapalamutian ng makukulay at mahahalimuyak na bulaklak ang aking bahay.”, magiliwng pagpapaliwanag nito sa basag na banga.

“Maging ang kahinaan mo ay kalakasan kung hahayaan mo lamang akong gamitin iyon kahit sa mga paraang hindi mo maiisip na posible.”

Naging mahaba nga ang paglalakbay ng basag na banga patungo sa  paghihilom – una, ng sarili at ikalawa, ng kanyang pinakamamahal na pamilya. Ngunit sa tuwing ipinakikita sa kanya ng Dakilang Taga-igib na nagmamay-ari sa kanya ang mga bulaklak na tumutubo dahil sa tagas mula sa basag niyang katawan, ang mahabang paglalakbay ay nagiging isang kasiya-siyang paglalakad na lamang sa isang simpleng araw. Naging mahaba ang paglalakbay at naging masakit ang proseso ng paghihilom, ngunit sa tuwing sumasagot ang Dakilang Taga-igib upang iparamdam na pinipili na rin Niya at minamahal ang isang basag na banga, natutunaw ang lahat ng pangamba, takot at pagkamuhi ng basag na banga. Doon naggawa ng basag na bangang yakapin ang lahat ng kahinaan at kakulangan at magpatawad—sumuko—hanggang sa kasalukuyan na hindi na niya mabalikan pa ang anumang bakas ng kabiguan at kawalang pag-asa sa kanyang pamilya. Lahat ng kahinaan, lahat ng kapintasan, lahat ng kahihiyan ay natunaw sa lawak, lalim at tayog na pagmamahal ni Kristo. Tapos na ang unos.

Iyan ang mga karanasan kong masasabi kong naging nakapakahalaga sa aking pagkatao at pagiging isang guro.

Pangangarap at mga Dekorasyong Bulaklak

Kung hindi dahil sa mga karanasang isinalaysay ko na nagkaroon ng katubusan (redemption) ay tiyak, wala ako dito. Hindi ako makakapag-aral sa UP at aabot ng digri sa Masters at lalong hindi ko ito maisusulat sa ngayon. Higit sa lahat, hindi ako magiging isang guro sa kasalukuyan.

Ang unang dalawang taon ko sa pagtuturo ay kasama ang mga malikhaing batang halos karamihan ay nangangailangan ng espesyal na atensyon (mga batang may special needs). Sa mga panahong iyon natutunan kong lumabas sa sarili at higit na isipin ang iba kaysa sa sarili ko. Sa pakikisalamuha ko sa kanila ay nakita ko ang kanilang kadalisayan at pagkabusilak ng puso. Naging biyaya ay paglabas ko sa sarili—sa sarili kong malakas ang tendensiyang ibaba ang sarili at maging self-centered—dahil namangka ako sa kadalisayan nila. Ginusto kong mapasaakin din ang ganoong klase ng puso—busilak, puro, mapagmahal at hindi ko maipaliwanag ngunit sadyang nakagiginhawa ng kalooban. Gusto kong maging kagaya nila na kahit “may depekto” ay mga biyaya. Kapag nakasalamuha mo sila, mas nangingibabaw sa kanila ang kadalisayan at pagiging mapagmalasakit at mapagmahal kaysa sa pagiging ‘kulang’. Mas mararamdaman mo ang pagiging biyaya nila kaysa higit anupaman. Higit sa anupaman, minahal ko sila.

Ang pagtuon ko ng pansin, ng mga talento ko, at ng lahat ng enerhiya ko sa kanila—sa pangangarap ko na matulungan ko sila araw-araw, mapangiti, at kahit papaano’y umunlad sa kanilang maliit na paraan—ang nagpalaya sa akin. Sa pamamagitan ng pagtuon ng lakas, talento at puso ko sa kanila ay nakalimutan ko ang aking sarili. Lumaya ako sa aking sarili at sa aking nakaraan. Sa pamamagitan ng pagtugon sa pangangailangan ko ay nabuo ako. Dahil sa kagandahan ng mga batang ito sa kabila ng kanilang mga kahinaan, kapintasan, kakulangan o depekto, o hindi, mas magadang sabihin na ‘dahil sa kagandahan ng mga batang dahil sa kanilang mga kahinaan, kapintasan, kakulangan o depekto’, natutunan kong yakapin nang buong buo ang mga kahinaan ko at bumuo ng matamis na kuwento mula dito. Napaka-espesyal nga ng mga batang iyon at naitindihan ko ang mga kahinaan nila. Kung may isang bagay akong natutunan mula sa kanila, na kailangan kong maintindihan paulit-ulit, ay ang pusong busilak sa kabilang ng anumang kahinaan o depekto—ang pagmamahal. Higit sa takot o pag-ayaw sa sarili, o galit dahil may depekto sila o kahinaan, pagmamahal ang nangingibabaw sa kanila. Gusto kong maging kagaya nila. Pangarap kong kagaya nila, ang naratibo ng buhay ko ay magtapos hindi sa kabasagan ng banga kung hindi sa pagmamahal—sa walang hanggan, hindi matatapos, at hindi matatanggal na Pagmamahal.


Nagtuturo ako hindi dahil sa pakiramdam ko ay perpekto ako sa propesyong ito. Nagtuturo ako dahil pinananariwa nito ang aking alaalala ng masayang naratibo ng basag na banga. Higit sa lahat, inilalayo ako nito sa aking sarili. Sa pagtuturo, lumalaya ako mula sa aking sarili.



Umaga na, panahon na ng
paghakbang sa kinabukasan,
Oras na upang limutin
Ang nakaraang puno ng dilim
Dahil liwanag sumisikat na
Iniilawan maging aking kalooban
Tapos na ang mga kasinungalingan
Mga panaghoy hindi ko na maalala
Grasya Niya ang nagi kong sandata

Laksa-laksang pag-uusig
Pinatahimik ng malamyos Mong tinig
“Kaya mo yan!” palaging paalala
Muli’t muli Mong ipinaalala
Sa kahinaan tutulungan Mo ako
Kailanman hindi ako mag-iisa
                                                                                                                                                                             Binigyan Mo ng kulay
Ang eksistensya ng
mahinang gaya ko

Umaga na, oras na
para gumising sa 
katotohanan
kung sino ako
malayo sa gusto Mo
malayo sa perpekto
ngunit patuloy Mong
minamahal, minamahal

                                                                                   Awit ng Banga  
                                                                          

                                                               


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento