Miyerkules, Agosto 8, 2012

hatinggabi at tulaan sa ulanan

Naisulat ko ito dalawang gabi na ang nakararaan, sa kalakasan ng ulan at katahimikan ng madaling araw. Sumikat na sana ang araw...


      Hatinggabi

Nais ko lamang na mabuhay ka
Ngunit, minamasama mo
Ang aking pagkalinga
Hindi mo ako nauunawaan
Sa kabila ng aking kabutihan
Ni hindi mo nararamdaman
Ang alinmang pag-aaruga
Araw gabi kitang binabantayan
Pinagmamasdan
Inaarawan
Dinidiligan
At sa kadiliman
Ikaw ay binubulungan
Maluwalhating hinihiling
Ang pagsipa niyang mga ugat
Na ayaw na ayaw mong gawin
‘Pagkat
Nahihirapan
Nabubulugan
Ng kalungkutan
Ngunit kahit kailan
Hindi ka nasabik sa akin
Sa aking tinig
Sa mga pagbulong
Sa mga pagmamasid
Sa aking mga hiling
Ewan…
Binibigyan kita ng ulan
Maraming bugso ng ulan
Upang lumakas ka
Sa pagsipa
Ng mga ugat
Upang lumigaya ka
Sa paghilamos
Ng sarili habang sumisipa
Papaahon sa putikan
Ngunit kinamuhian mo ako
Hindi pa ba sapat
Lahat ng paglalambing
Ang malambot na lupa sa paghimbing
Ang halumigmig sa paggising
Ako?
Ano’ng kinatatakutan mo?
Kadiliman? Ulan?
Kung iisipin mo lang ako
Makikita mo, makikita mo
Malalaman mo
Higit akong nasasawi
Sa iyong pagpipighati
Isa kang buto
Tamang nasa alakabok
Nakabaon
Naghinhintay
Pansamantala
Habang inaawitan kita
Nariyan ka
Diyan ka lang
Dahil nais kong mabuhay ka
Kahit na ikinamamatay ko
Ang iyong pagtangis
 Ngunit
Kung ‘di kita itatago sa dumihan
Sa kinamumuhan mong alakabok
Hindi kita masusubaybayan
Hindi kita mabibigyan
Papanaw kang tuluyan
At mawawalan na ng saysay
Ang lahat…
Ikamamatay ko na.
Ng tuluyan.
Hindi pa ba sapat
Ang mahalin ka
nang walang hanggan?
Kaya’t
Mabuhay ka,
Mabuhay ka,
Mabuhay ka,
Mabuhay ka,
Mabuhay ka…
Dapat
Sapagkat
Higit sa lahat
Mahalaga ka









sa Akin.

.  .  .

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento