Naging napakalaman ng mga talakayan. Kung baga, busog na busog ang isip. Pero dahil nga sa UP iyon, kaggaya ng dati, marami pa rin ang hindi dapat pinakikinggan. Gayunpaman, sa kabuuan, naging napakamalaman ng talakayan at marami sa mga nabanggit mula sa kasaysayan ang mahirap matanggap-- ngunit totoo. Ang siksik na siksik na impormasyong iniuwi ko mula sa unang araw pa lamang kanina ng kumperensiya ang siyaring nagpabaon na naman sa akin ng mabigat na realisasyon. Sadyang mabigat at masakit tingnan ang katotohanan ngunit katulad ng dati, kailangang hinaharap ito.
Sana hindi ko na lang ipinagdasal noon na makita ang katotohanan ng Pilipinas. Naging masakit ang mga pagtuklas at danas-- ang makita ang pang-aapi, kabulagan, at pamamayani ng sariling interes ng pinunong inaasahang mangangalaga at magtatanggol, at ang maranasan ang mismong pang-aapi at pagbabanta sa sariling kalayaan, kabuluhan, at kalakasan mo bilang tao ng isang walang puso--para lamang punan ang makasariling interes at ganid na kaluluwa. Naging mahirap tumayo para sa tama, ngunit naging krusyal ang kabanatang ito upang maintindihan ko ang katotohanang nangyayair lalo na sa buhay ng mga mahihirap at iyong mga nasa gilid ng lipunan. Hinding hindi ko makakalimutan ang danas na iyon dahil malinaw na hindi dadalawa lang ang mapang-api. Marami sila kaya nga may Mendiola Massacre. Sumakatwid, napakaraming kailangang palayain mula sa mapang-aping kaayusan na lipunan.
Ang katotohanan ng lipunang Pilipino ang pinakamasakit at pinakamasaklap tingnan sa lahat. Akala ko talaga noon, ganoon kadaling magpakabansa ngunit paglabas mo na sa totoong mundo, halos imposibleng mahalin ang mga kalahing Pilipinong nilamon na ng maduming lipunan, talamak na kahirapan at walang pakundangang pang-aabuso. Totoong matatapang na taong may mabuting puso lang talaga ang makakayanang harapin ang ganitong uri ng lipunan at baguhin ito sa paraang nalalaman nila (nawa'y hindi sa pagdanak ng dugo o rebelyon ang paraang ito na siya na lamang nakikitang sagot ng marami at hindi sila masisi sa poot na nararamdaman dahil ang mga mismong may obligasyong mangalaga sa kanila ang siya pang nananakit o halos pumatay na nga sa kanila). Malaki ang pagkukulang ng mga Pilipino--lahat ng Pilipino-- buhat pa noon, kaya't walang karapatang mangastigo ang kung sinuman. Walang karapatan ang sinumang kabilang sa lipunang ito ang ihiwalay ang sarili sa totoong mundo at mang-aglahi ng kadugo. Masakit tingnan ang kasaysayan at ang kasalukuyan dahil wala namang pagbabago. Ganoon at ganoon rin ang nangyayari. Tama si Ginoong f. Sionil Jose sa pagsasabi niyang hindi na basta na lamang politika ang problema ng bansang ito. Ang problema ang nasa mismong mga tao - napakarupok ng ating tinatawag na moral fiber. Bilang isang tao at isang lahi, walang tinatayuang prinsipyo ang mga Pilipino kaya't ganun - ganun na lamang mahulog sa kung kan-kaninong kandungan, kung kani-kaninong bitag, bilang mga alipin.
Diyan na pumapasok ang kasalukuyang namamayaning konsepto ng Bayani, Pagkabayani, at Kabayabihan sa lipunang Pilipino. Sa pagbubulay-bulay ko mula sa mga pagtatalakay kanina, napakalabo nga ng kasalukuyang Kabayanihan kaysa sa orihinal nitong katuturan. Malinaw rin ang mga implikasyong kakabit ng kasalukuyang pagpapakabuluhan sa Kabayanihan. Isinasalamin lamang ng konseptong umiiral ngayon ukol sa Bayani ang hirap ng buhay, kabulagan ng mga mamamayan, 'pagkapilay' nito sa tunay na kalayaan ng tao at dangal, at pagsasa-kasangkapan dito ng mga nasa kapangyarihan. Oo naman, nagbibigay ito ng pag-asa at itinataguyod pa nga ang halaganan (values) ng mga Pilipino na mahalaga sa pagbubuo ng Nasyon ngunit, ulit, implikasyon lamang ito na maging ang halaganan ng mga Pilipino ay nasa puntong malabnaw na kaya't kailangang pang itampok nang itampok sa pamamagitan ng samu't saring kahulugan ng Kabayanihan at kaliwa't kanang pagpaparangal.
Gayunpaman, sa katotohanan, wala naman talagang gustong Paka-Bayani. Linawin natin, iba ang bayani sa hero. Madali lang gumawa ng hero. Sa kasalukuyan, napakaraming hero. Si Manny Pacquiao, hero. Ang Azkals, hero rin. Pati ang Dragon Ball-Z (yun mga nagsasagwan na kapapanalo pa lamang sa isang kompetsiyon sa New York), ay bayani rin. Gayunpaman, tila walang bayani sa panahon ngayon. Sadyang napakasalimuot nga ng pamantayan ng Kabayanihan kaysa sa heroism, at hindi imbento lamang ang pagsasabi ko nito --- sa Kasaysayan inugat ang mga tuntunin o kahingiang pumapalibot sa Bayani o Kabayanihan bago nga tuluyang masabing ang Bayani ay tunay ngang Bayani at hindi isang malabnaw na konseptong heroism lamang-- na akala ng mga tao lalo na ng mga "kabataang pag-asa ng bayan", ay kabayanihan nga.
Bilang pagtatapos, nais ko lamang ibahagi ang ilan sa mga katangian ng bayaning nahalaw ni Dr. Nestor Castro sa epikong Hudhud hi Aliguyon:
1.Dumadaan muna sa mga pagsubok bago makipaglaban.
2. Matapang
3. May katapatan sa Dangal
4. May kasanayan o mahusay sa labanan
5.Handa sa pangmatagalang labanan
6. May pagsangguning ispiritwal - kinikilala ang sariling limitasyon at kapangyarihan ng isang Mas Nakatataas.
7. May paggalang sa kalaban
Mula sa katutubong kahulugan (pre-kolonyal) na konsepto ng Bayani, hindi maiaalis sa Kabayanihan ang elemento ng pakikipaglaban o labanan . Gayunpaman, ito ang tanong : Papaano nga ba talaga DAPAT lumaban?
Sa mga Kristyano, may sagot ang katanungang iyan.
Gayunpaman, umuusbong ang isa na namang tanong: ginagawa o naggagawa nga ba ng mga Kristyanong Pilipino ang labanang dapat nilang isinasagawa, o abala lang ang bawat isa sa kanya-kanyang pangungutya at paggawa ng sari-sariling alternatibo' t kumportableng mundo naglalayo sa kanila sa mga tinataguriang "busabos" na siyang nangangailangan ng tulong?
Huling {mga} tanong na iiwan ko (para sa sarili dahil ako lang naman ang magbabasa ng site na ito sa hinaharap): Anong klaseng mga kabataan nga ba ang nililikha sa ating lipunan -- ang mga batang walang kibo at mababait ngunit iyong mga walang tinatayuang prinsipyo ng tama at mali, iyong mga walang kakayahang magtanggol ng sariling kapakanan, kapakanan ng iba, at ng Katuwiran? O iyong mga kabataang maaari ngang agresibo kung ikukumpara sa nauna at 'hindi mabait' at hindi gaanong masunurin, ngunit iyong mga kayang tumayo sa Katuwiran, sa pagtatanggol sa sarili, pagtatanggol sa iba, at paglaban sa mga mapang-aping kalaban? Ano ba ang mas pinahahalagahan ng mga Pilipino -- ang pagiging mabait at masunurin sa ngalan ng 'kaginhawaan' o ang pagiging malaya't makatuwirang makukuha lamang sa pakikipaglaban o pakikipagtuos? Ano ba ang mas kailangan ng bansang ito, mga kabataang masunurin, mabait, hindi kailanman banta sa kaayusang inilatag ng mga pinuno ngunit wala namang kakayahang mag-isip at tumayo para sa sarili , o ang mga kabataang kayang tumayo para sa sarili at sa pinaghahawakang prinsipyo ngunit hindi ganoon kadaling pasunurin at maaari pang maging banta sa kaayusang inilatag ng mga pinuno?
Magiging mahirap ang pagtuklas ko ng mga bagay-bagay para sa aking tesis , at ng mga paniniwalang sasandiganan ko sa buhay.
Habang bata, kailangang patibayin ang mga pundasyon.
______________________________________________________________________________
"With great power comes great responsibility."
"Evil men prospers when good man are silent."
"Christian {lawyrs} should have seen the change taking place and blown the trumpets loud and clear." -Schaeffer
"If we are not governed by God, then we will be ruled by tyrants." - Schaeffer
"Action speaks louder than words."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento